Martes, Mayo 15, 2012

Most Valuable Player:Chapter30


CHAPTER 30

Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan, gagawin ko. Mas pipiliin kong hindi ko nalang makilala ang isang Kevin Huget sa buhay ko. Nagbago ang buhay ko, mas nagbago ang buhay niya. Nasasaktan ako ng sobra dahil nasasaktan ko siya.

Kung alam niyo lang kung gaano kabigat sa pakiramdam tuwing ako ay papasok na hindi siya kasama. Ang bagal ng pagdaan ng mga oras ko nung nawala siya sa buhay ko. Nasanay na ata ako na lagi ko siyang nakikita.

Nung mga unang araw, madalas kaming magkasalubong sa mga pasilyo ng eskwelahan. Lagi siyang may kasama at ganon din naman ako. Kilala na ako ng mga kaibigan niya at ganon din naman sa akin kaya hindi maiiwasang magkabatian at konting kwentuhan kapag nagkakasalubong sa mga daan. Nagkaka-ngitian parin naman kami ni Kevin pero hanggang dun nalang. Madalas magtanong ang mga kaibigan namin kung bakit hindi na kami laging magkasama. Nagtataka silang lahat pero hindi na namin yun pinapansin pa.

Dumaan ang mga araw. Ginawa ko ang mga dati kong gawi tulad ng pagsama-sama sa mga dating mga kaibigan, paminsan-minsang labas at inuman, pagpunta sa mga dating tambayan, bla bla bla...


~~+~~


Wa-epek ang ingay ng alarm clock sa akin. Hindi ako nagising sa paulit-ulit na pag-iyak ng nun. Marahil ay dahil narin sa sobrang puyat na dulot ng nagdaang gabi. Hindi na naman kasi ako nakatulog agad dahil sa kakaisip ng kung ano-ano.

Maaga naman ako nakarating sa school... maaga para sa next subject. Absent na naman ako sa first subject, may quiz pa naman kami dun. Kakausapin ko nalang siguro professor ko. Kailangan ko nga lang mag-isip ng magandang dahilan para makalusot.

Hihikab-hikab pa ako habang naglalakad pagpasok ng school. Marami akong nakitang mga kaibigan na nakatambay sa gilid-gilid pero hindi ko sila nilapitan. Patay malisya lang ako kasi pag nagkataon matatambay lang ako kasama nila.

Nagpatuloy lang ako maglakad, mabagal, parang pagong sa kupad. Para akong naglalakad sa ilalim ng buwan.


“Pssst.”

Hindi ko nilingon. Ayokong tumambay.

“Pssst.”

Buset. Gusto kong pumasok! Hindi ko ulit nilingon.

“Hindi ka na namamansin.”

Nasa likod ko na ang boses, malapit na sa akin. Hindi ko parin pinansin.

“Absent ka sa first subject mo.”

Mas malapit na boses kaya mas nakilala ko yun. Pamilyar.

Huminto ako at agad nilingon ang likuran.


“O bakit para kang nakakita ng multo?”

“Oy Kevin.”

“Tignan mo itsura mo. Haggard na haggard ka.”

“May mga requirements lang akong tinapos kagabi.” paliwanag ko.

“Hindi ako naniniwala.” ngumiti siya, ang kanyang ngiting nakakagago.

“Loko. Good boy nato.”

“Tamad nga lang.”

Napakamot tuloy ako ng ulo. “Bakit ka nga pala naglalakad?” tanong ko.

“Madalang nako magdala ng kotse eh.”

“Bakit?”

“E wala kana eh. Wala nakong kasama.”

“Ah. Sige na alis nako. May gagawin pa ako.”

“Ingat.” mahina niyang sambit.

Tumango nalang ako.

Tumalikod ako at nagpatuloy sa paglalakad.

Hindi kami magka-klase ni Maggie sa araw na yun pero madalas kaming magkasalubong, walang pansinan. Maliit lang ang mundo para sa amin. Magkasama kami sa iisang building.

Maaga na naman akong umuwi sa bahay. School-bahay-school lang ako lately hindi gaya dati na inaabot ako ng hating gabi .


***


Nasa isang lugar ako na madilim, nag-iisa, natatakot. Naglakad ako ng naglakad. Sobrang layo ng nilakbay ko pero tila walang katapusan. Sa mga daan na aking nilagpasan, wala ako ni-isang nakita o nakausap manlang. Pawis na pawis ako, pagod na pagod, takot na takot. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng paglalakbay na 'to.

Tinahak ko ang isang madilim, nakakatakot na daan. Sa dulo ay may maliit na lagusan. May konting liwanag akong nakikita. Nagmadali akong naglakad, tumakbo patungo sa butas na yun. Nakarating ako sa dulo.

Dali-dali akong lumabas. Nakita ko si Maggie na naghihintay. May kilik na bata, umiiyak. Hindi siya nagsasalita. Seryoso ang kanyang mukha. Nagpalinga-linga ako sa paligid pero kami lang ang naroon. Ilang sandali pa ay inabot niya sa akin ang bata, umiiyak parin. Hindi ko yun kinuha. Pilit niyang ibinibigay sa akin ang batang bitbit niya pero nagmatigas ako, lumayo ako sa kanila.

Nadapa ako, nakatingin parin sa kanila. Papalapit sila sa akin at ako naman ay nagsimula ng manginig sa takot ng hindi ko alam, hindi ko maintindihan. Kakaibang takot ang namutawi sa aking buong katawan.


“Mark... Mark!”

Nakita ko si yaya sa aking harapan. Hawak-hawak niya ang aking balikat. Takot na takot parin ako.

“Mark, nananaginip ka.” patuloy niya.

Dilat na dilat ang aking mga mata. Pawis na pawis at hinahabol ang aking paghinga.

“Nagising ako dahil sumisigaw ka kanina pa.” nanginginig ang boses niya.

Niyakap ko nalang si yaya ng mahigpit.

“Anak may problema ba?” bakas sa kanya ang pag-aalala.

“Wala po.” sabi ko.

Hinagod niya ang aking likod.

Halos gabi-gabi akong nananaginip ng mga nakakatakot na bagay tulad nito. Hindi ko maintindihan pero natatakot ako.

Hindi pa man ako nakakabalik sa pagkakahiga, sunod-sunod na text ang aking natanggap. Lahat yun galing kay Maggie. Gabing-gabi na kaya nakakapagtaka.


Mark delayed na ako ng ilang araw. Natatakot ako.

Mark natatakot ako.

Mark .

Mark...



Tuluyan ng bumaliktad ang mundo ko ng gabing yun. Hindi ko na alam kung kaya ko pang matulog dahil tiyak na iisip-isipin ko na naman yun buong magdamag.

Tumayo ako at nagbihis. Lumabas ako ng bahay. Bahala na kung saan ako makarating.

Dumaan ako sa bahay nila Kevin.

Dinalaw ko si Jollibee. Umorder ng B3. Kumain mag-isa.

Magbubukang liwayway na nang ako ay makauwi sa bahay, pagod, puyat, inaantok.


~~+~~

Dumaan ang mga araw, linggo at mabilis na nagpalit ang buwan. Mabagal pero hindi ko namalayan. Madalang na kaming magkita ni Kevin sa school at kung magkasalubong man, parehas na kaming umiiwas sa isa't-isa. Mas mabuti na siguro yun.

Nakatanggap ako ng mga tawag mula sa aking pamilya sa Canada, kay Mariel sa Saudi Arabia at sa ilang mga kaibigan.

Umaapaw ang inbox ng aking cellphone sa dami ng nagpadalang mensahe.

Ang dami rin nagpost ng greetings sa Facebook at Friendster accounts ko.

Hindi ako pumasok dahil mas gusto kong mapag-isa. Sa okasyong tulad nito na dapat ay pinagdiriwang kasama ng iba, mas pinili kong magkulong nalang sa bahay.

Tahimik lang kaming nagharap ni yaya sa hapag kainan. May ilang putahe siyang niluto, masyadong marami para sa aming dalawa.

“Mark wala ka bang darating na bisita?”

“Wala po.”

“Bakit naman?”

“Sa ibang araw nalang po siguro.”

“Si Kevin?”

“Hindi po pupunta.”

“Bakit?”

“Ewan.”

Naputol ang aming usapan ng biglang bumuhos ang malakas na ulan.

Birthday ko ba talaga? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento