Martes, Mayo 15, 2012

Most Valuable Player:Chapter19

CHAPTER 19

Nagising ako mula sa isang hindi magandang panaginip. Buti nalang hindi pala totoo. Pinunasan ko ang luha ko sa gilid ng aking mga mata. Kahit pala panaginip lang nadadala parin ang aking emosyon. Tulog na tulog si Kevin sa tabi ko. Hinipo ko ang kanyang nuo, ang kanya pisngi, ang kanyang braso... hindi na mainit hindi tulad kanina.

Maingat kong itinaas ang kanyang kanang kamay na nakapatong sa aking dibdib, dahan-dahan akong tumayo para hindi siya magising.

Sinilip ko ang labas, medyo tumitila na ang ulan. Ang lamig ng paligid, puro hamog sa paligid. Basang-basa ang mga salamin na parang yelo sa lamig. Pumasok ako sa kabilang kwarto para kuhanin ang cellphone ko. May ilang text pero puro kowts lang. Alas kuwatro na pala ng umaga. Mabuti siguro na maghanda ako ng makakain namin ni Kevin. Nagpunta ako sa kusina, naka-prepare na pala ang dapat ay dinner namin kanina. Malamig na ang adobo ni Kevin kaya pinainit ko nalang yun. Hinanda ko na ang lamesa para sabay na kaming kumain.

Hinaplos ko muli ang kanyang buhok. “Kevin kain na tayo.” bulong ko.

Mukang okey naman na siya pero halatang nanghihina pa. Slow-mo pati ang pagbukas ng kanyang mga mata. Mapupungay ang mga yun pero ang lakas ng dating. Ngumiti ako at gumanti rin naman siya. Pinipilit niyang umupo kaya agad ko naman siyang tinulungan. Sinandal ko siya head board ng bed.

“Kevin teka lang, kukuha lang ako ng pamalit mo.” tumango lang naman siya.

Pumili ako ng manipis na damit para presko. Pawis na pawis siya kahit na sobrang lamig ng paligid. Epekto siguro yun ng gamot na ininom nya kanina.

Ako na ang naghubad ng damit na suot niya. Pinunasan ko muna ang kanyang likod, ang kanyang dibdib, ang mga singit-singit bago ko pinalitan ng bagong damit.

“Akala ko ba malakas ka?” tinapik ko ang kanyang kanang pisngi.

Ngumiti lang ulit siya. Tinulungan ko syang tumayo, nanginginig parin ang kanyang mga tuhod kaya inalalayan ko siya ng mabuti. Magkaharap kami na nakaupo sa hapag kainan.

Tumayo ulit ako para buksan ang tv sa sala, naghanap ng magandang channel, ayun meron naman. MYX, puro love songs ang pine-play. Tinantiya ko ang volume para magkabuhay ang loob ng bahay.

“Nice music.” sabi ni Kevin.

“Okey ba?” tanong ko.

“Yes. Paborito ko yan.” sabi niya sabay ngiti.

Live performance ng The Eagles. Love will keep us alive. Oo nga pala, mga makalumang kanta gusto niya.

Ang paligid, relaxing. Feeling ko nasa isang classy restaurant kami.
Ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. Sana ganito nalang lagi.

Tumayo ulit ako para tulungan siyang kumuha ng pagkain.

“Hindi na Mark. Kaya ko 'to.”

“Basta umupo ka lang jan, ako muna bahala sayo.” sabi ko.

Tumango siya. Ilang sandali pa ay kumain na kami.

“Masarap ba?” tanong niya.

“The best adobo in the world.” sabi ko.

Napangiti ulit siya. Ewan ko ba. Sa totoo lang simpleng adobo lang naman yun. Hindi naman masarap na masarap pero... basta. Adobo ala Huget is the best in the world!

Wala masyadong usapan habang kumakain kami. Hindi pala kailangan ng maraming kulitan at bolahan para maging masaya ang aming samahan. Kahit nakatikom ang aming mga bibig, nagagawa parin namin magusap sa pamamagitan ng aming mga titig. Mas epektibo pala yun.


***


Nakaupo kami magkatabi sa sopa sa sala habang nakabukas ang tv sa harap namin.

“Buong buhay ko lagi nalang ako namamalimos ng atensiyon. Lagi ko pinapangarap na balang araw hindi ko na kailangan na maghanap pa ng tao para lang makasama ko, para lang maging masaya ako. Lagi nalang ako iniiwan sa buhay nato.”

Kinuha niya ang aking ulo at nilagay sa kanyang braso.

“Salamat Kevin dahil lagi kang nanjan. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya dahil may kaibigan akong tulad mo.”


~~+~~


“Oy Mark gising na. Tanghali na. Oy”

“Mamaya pa. Inaantok pa ako.”

Nakapikit pa mga mata ko. Hindi ko maidilat. Ang lamig. Ang sarap pang matulog.

“Marami pa tayong pupuntahan.” sabi niya.

“Mamaya na. Inaantok pa talaga ako.”

“Mahiya ka naman sakin Mark. Ako dapat ang nagpapahinga tapos ikaw naman ang tulog ng tulog. Pinilit kong gumising para lang paglutuan ka.”

Patay don! Ayan nangunsensya na si Huget.

Bumangon na ako. Sa sopa na pala ako nakatulog. Hindi na ako nagbago. Kahit nakaupo nakakatulog agad ako.

“Bakit hindi mo ako ginising para naman nakalipat ako sa kwarto.” tanong ko sa kanya habang nagkukuskos ng mga mata.

“Ang sarap ng tulog mo sa braso ko. Paano kita gigisingin? Nag-drama ka pa kasi kanina.” sagot niya. Nabuhay na naman ang ngiti nya, ngiting nakakagago.

Tumayo na ako, diretso sa kwarto. Kinuha ang cellphone ko at tinawagan si yaya. Wala na akong nagawa kundi sabihin ang totoo. Pagkatapos ay ginayak ko na ang isusuot ko. Nag-ayos ako ng sarili sa banyo. Sabay ulit kami kumain. Nagluto pala sya, adobo na naman. Walang kasawaan. Yun lang daw kasi kaya niyang iluto kaya pagbigyan. Pagkatapos ay gumayak na kami.

“Saan tayo pupunta?” tanong ko.

“Basta.”

“Ayan na naman yang basta nayan.”

“Marami tayong pupuntahan.”

“Okey ka na ba?”

“Tssk. Masyado ka naman nagaalala.”

“Nataranta ako kagabi sayo.”

“Bakit naman?”

“Akala ko mamamatay kana.”

“OA mo naman.”

“Seryoso yun..”

“E mahina pala loob mo eh.”

“Sige ganyanin mo ko, kapag nilagnat-lagnat ka ulit mamaya pababayaan kita.”

“Uto.”

“Loko.”

“Medyo lang.”

Sinakal ko siya. Pinitik ko ang tenga.

“Nanghihina lang ako. Patay ka sakin Mark kapag nakabawi ako.”

Tumawa nalang ako.


Nagpunta kami sa The Mansion, ayun picture picture. Pati yung guard sa gate tin-trip ni Huget. Utusan daw ba na maging photographer si manong guard. Ang ganda ng mga larawang kuha ni manong. Sana naging litratista nalang siya. Hahaha. Naglakad lakad din kami sa paligid. Buti nalang at sumikat si haring araw.

Nag Botanical Garden din kami. Medyo nahirapan nga lang kami na hanapin ang lugar. Muntik na nga namin iwanan yung kotse sa Burnham park para mag taxi nalang para daw mas madaling makapunta sa lugar. Hindi yun magandang ideya kaya hindi ako pumayag. Buti nalang pagkatapos ng ilang ikot at maling mga daan, sa wakas natagpuan din namin ang hardin. Pumarada kami sa gilid ng daan at naglakad nalang kami pababa. Sobrang daming puno at ang lamig ng simoy ng hangin. Para kang nasa loob ng kagubatan sa ganda. Maraming pwede upuan at syempre ang libo-libong bulaklak sa paligid na nagdadagdag atraktsiyon sa lugar. Umupo kami ni Kevin sa damuhan. Konting kwentuhan.

Dumaan din kami Camp John Hay pero hindi na kami duon nagtagal. Hindi na nga namin nakuhang bumaba ng kotse.

Alas kuwatro na ng hapon ng makapunta kami sa Mines View. Hindi gaanong karamihan ang mga turista kumpara kapag bakasyon. Ang dami namin naging pictures habang nakaupo sa konkretong harang sa bangin. You look cute together sabi ng isang banyaga na nakasabay namin habang nakaupo sa isang higanteng bato. Tanong naman ng isa sa mga tindera malapit sa park, Oh mga hijo nasan yung mga girlfriend nyo? Ngiti lang ang sinagot namin. Hindi nila alam kaming dalawa lang talaga ang magkasama. Loko. Maraming tindahan ng kung ano-ano sa gilid ng daan. Ang dami kong gustong bilin pero wala naman akong pera. Ano kaya mabili para kay Kevin? Buti nalang may naisip ako.

“Kevin maghiwalay muna tayo. May bibilin lang ako.”

“Ha. Wala ka naman pera diba?”

Oo nga pala. Mali yung palusot ko.

“Basta text text nalang tayo mamaya.” sabi ko.

“Kanina pa kita gusto alukin ng pera para naman may mabili ka kaya lang nahihiya akong gawin yun. Baka kasi kung ano isipin mo.”

“Okey lang yun Kevin.” sabi ko sabay ngiti. “O pano text text nalang?” dagdag ko.

Kahit nagtataka ay tumango nalang siya sa akin. Una akong umalis. Tinungo ang direksiyon kabaligtaran ng sa kanya.

Marami-rami naring hakbang ang aking nagawa pero hindi ko talaga mahanap. Alam ko nandito lang yun eh. Naglakad pako konti. Ayun sa wakas nakita ko rin.

“Manong magkano sangla nato?”

Inabot ko yung Ipod classic ko na may 80G memory. Maingat naman ako sa paggamit kaya mukhang bago pa naman yun.

“Apat na libo.” mabilis niyang sagot.

“Ano?!”

“Ganyan lang talaga presyohan niyan.” sabi niya.

Badtrip. Bigay pa naman 'to ng nanay ko sakin nung Pasko. Gusto ko kasi bilan ng regalo si Kevin.

“Sige. Deal.” sabi ko kay manong.

Hinimas ko ulit yun. Hay.

Bye Ipod!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento