Martes, Mayo 15, 2012

Most Valuable Player:Chapter18


CHAPTER 18

Inaantok pa talaga ako pero pilit ko yun nilalabanan para naman may makausap si Kevin. Baka kasi antukin siya habang nagmamaneho, mahirap na. Kung ano-ano nalang ang mapagkwentuhan namin. Pati si Doraemon, son Goku, Sakuragi at Naruto ay nasali sa usapan. Masarap naman kausap si Kevin, hindi ka maiinip sa kanya.

Nasa 70-80 kph lang ang takbo namin. Maganda ang biyahe dahil wala pa gaanong sasakyan sa lansangan.


“Mark... ilang beses kana napunta ng Baguio?”

“Three times palang.”

“Kelan yung huli?”

“Halos tatlong taon na.”

“Sino naman kasama mo?”

“Si Mariel... nung nagrereview siya para sa board exam.”

“Swerte ni Mariel sayo noh.”

“Swerte din naman ako sa kanya.”

Hindi na sya kumibo kaya minabuti ko ng baguhin nalang ang usapan.

“Ikaw ba ilang beses ka na napunta ng Baguio?” tanong ko sa kanya.

“Once.”

“Once?! Nagbibiro ka ba? Alam mo naman daan papunta dun?”

“Madali lang yun.”

“Kelan ka ba huling napunta ng Baguio?”

“Nung bata ako, mga 10 years old.”

“Ano? Baka naman sa Batanes tayo mapunta niyan.” nanlaki ang mga mata ko na kanina, pipikit-pikit na.

Nakuha pa niyang matawa sa lagay nayun.

“May mapa naman tayo. Binili ko sa National bookstore. Three days ko yung pinag-aralan.”

Ano kaya palagay ng Kevin nato? Parang nung unang panahon lang... parang sila Magellan at Columbus, compass at mapa lang, makakapaglayag kana.

“Sige ikaw na bahala. Kahit saan tayo mapunta okey lang. Kahit sa South China Sea pa.” sabi ko.

“Ikaw naman. Wala ka kasing kabiliv-biliv sakin eh. Basta ako bahala sayo.”


Pag tungtong namin ng Pangasinan, almost six o'clock na nun, pasikat na ang araw, dun na kami nagsimulang magtanong-tanong sa bawat mahintuan namin. Kung kanina medyo mabilis ang biyahe, ngayon mabagal na kasi panay ang tingin namin sa mga signage sa daan. Ilang beses din kami huminto para buksan ang mahiwagang mapa ni Kevin. Hindi naman kahirapan yung daan paakyat ng Baguio kasi tuloy-tuloy lang yun. Puro national high-way lang ang babagtasin mo. After almost two hours sa wakas nakalabas narin kami ng Pangasinan. Sa Marcos high-way na kami dumaan dahil mas safe daw dun, mas maluluwang ang mga daan.

Saktong nine o'oclock nasa Baguio na kami. Naghanap muna kami ng makakainan. Siyempre sa Jollibee ulit. Ang dami namin inorder at yung iba take-out nalang. Pagkatapos nun diretso na kami sa simbahan. Cathedral daw yung pangalan. Sikat daw yun dun. Malapit yun sa SM Baguio. Basta dun yun. Nag-research daw kasi siya ng mga lugar na pwedeng puntahan sa Baguio. Ilang beses ulit kaming nagpahinto-hinto para magtanong. Buti nalang hindi pa kami naliligaw.

Pumasok kami sa loob ng simbahan. Sa gilid kami dumaan. Kakaunti lang ang tao sa loob kaya sa bandang dulo kami pumwesto. Magkatabi kami. Tahimik lang at nagmamasid-masid. Saglit lang kami duon at agad narin kaming umalis. Dumaan kami sa SM Baguio para bumili ng pagkain namin sa bahay. Magluluto daw siya ng adobo mamaya para sa dinner namin. Mga one hour lang ang tinagal namin duon at umalis na agad kami.

Naghanap-hanap kami ng bahay sa paligid ng Burnham Park. Mas gusto daw kasi niya ng isang buong bahay na ma-rerentahan kaysa sa hotel.

Inabutan na kami ng ulan sa paghahanap ng bahay. Sobrang lakas ng buhos ng ulan. Wala pa naman kaming dalang payong. Wala din daw nadalang jacket or kahit anong panglamig si Huget para sa amin dahil summer na summer pa naman sa Pampanga nung umalis kami. Halos walang makita sa daan kaya nagpasya kami na pumarada muna sa isang gilid malapit sa park. Hintayin daw muna namin na tumila ang ulan.

Halos isang oras na simula nang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi man lang humihina kaya nagpasya na kami na ipagpatuloy na ang paghahanap ng bahay. Laging si Kevin ang bumababa ng kotse para makahanap ng bahay.

Ilang beses din kami nagpaikot-ikot malapit sa siyudad at sa wakas may nahanap din kami. Isang malaking unit sa isang building malapit sa Burnham park. Alam ko condo units mga yun na pinarerentahan ng mga may ari kapag naka bakante yung space. May dalawang bed room, isang banyo, may sala, may water heater, kumpleto lahat. May kamahalan ang bayad namin sa bahay na tutuluyan namin sa loob ng tatlong araw. May savings naman daw siya at matagal nya yun pinag-ipunan kaya okey lang. Pero sa akin hindi yun okey. Nahihiya siyempre ako.

“Basang basa kana. Magpalit kana agad.” sabi ko.

Tumango lang sya. Parang kakaiba ang kilos nya. Ako na ang naglabas ng bihisan niya para makapagpalit na agad. Inayos ko narin ang mga gamit namin para ilagay sa kabinet. Sa isang kwarto nalang kaming dalawa tutal malaki naman ang kama. Siya naman ay diretso na sa kitchen para magluto. Tahimik lang siya pag dating sa bahay. Nakakapanibago.

“Kevin okey ka lang?” tanong ko habang nasa kwarto at siya naman ay nagluluto sa kabilang dako ng bahay.

“Yup. Pahinga ka muna. Mamaya ready nato.” tugon niya. Iba talaga ang tono ng boses nya. Baka pagod lang siguro.

Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Hay. Ang sarap kasi matulog, ang lamig at umuulan. Malakas ang buhos ng ulan, parang hindi man lang humihina.


***


Nagising ako dahil sa sunod-sunod na text messages at missed calls na natanggap ko. Si yaya pala, nag-aalala na sakin. Agad ko naman nireplyan para sabihin na okey lang ako. Hindi ko pa sinasabi na nasa Baguio ako, baka mas lalong magalala yun.

Eight o'clock na pala ng gabi. Apat na oras na pala akong nakatulog. Oo nga pala nagluto si Kevin. Bakit kaya hindi nya ako ginising? Lumabas ako ng kwarto. Ang lamig. Nakabukas pa yung sliding door papuntang terrace kaya sinarado ko muna yun. Wala si Kevin sa sala. Wala din siya sa kitchen. Saan kaya nagpunta yun? Binuksan ko yung pangalawang kwarto, naka-off yung ilaw kaya binuksan ko. May nakatalukbong ng blanket kaya nilapitan ko. Nakatulog din siguro si Kevin. Hayaan ko muna siguro siya na magpahinga at baka napagod sa mahabang biyahe. Wala pa nga palang tulog si loko simula kagabi. Kawawa naman.


“Mark..” mahina niyang tawag kaya agad ko uli syang nilapitan. Binuksan ko ang blanket. Nagchi-chill siya kaya agad kong sinalat ang kanyang nuo. Ang init. Sobrang init nya. Kinabahan ako sa kanya lalo na nung makita ko ang kanyang labi na sobrang pula.

“Mark ang ginaw...” nanginginig pati boses niya.

“Bakit hindi mo agad ako tinawag. Masama na pala pakiramdam mo.”

“Mark naman, wag mo na ako pagalitan.”

Oo nga naman.

“Kevin saglit lang ha. Hahanap lang ako ng gamot.”

Dali-dali akong bumaba ng unit para magtanong ng gamot sa mga tao sa baba. Buti nalang may nakuha akong isang paracetamol tablet bigay ng guard na nakaupo sa harap ng building.

“Kevin uminom ka ng gamot oh.” agad naman nya yun ininom. Sobrang init parin ng katawan niya.

Nung mawala na yung pagchi-chill nya. Inalis ko na yung blanket na nakabalot sa kanya. Kumuha ako ng isang planggana na may malamig na tubig at bimpo para punasan sya. Turo ni Mariel yun sakin. Yun kasi ang ginagawa niya kapag nilalagnat ako kaya alam ko.

Hinawakan niya ang aking kamay na may hawak ng bimpo ng maramdaman nyang dumampi yun sa mukha nya..

“Mark wag... giniginaw ako.”

“Mataas ang lagnat mo kaya dapat bumaba agad.” sabi ko.

“Basta Mark dito kalang. Wag mo ko iwan.” hawak parin niya ang kamay ko. Nangingig parin siya. Nakapikit habang nagsasalita Namumula siya lalo na ang mga labi dahil narin siguro sa init ng katawan.

“Nandito lang ako Kevin. Hindi kita iiwanan.” sabi ko. Mas lalo pang humigpit ang hawak niya sa kamay ko.

Hinaplos ko ang buhok nya. Nahiga ako sa tabi nya. Unti-unti akong lumapit sa kanya hanggang sa maramdaman kong magkadikit na ang aming mga katawan. Sinubukan ko parin na punasan siya ng malamig na bimpo pero ayaw talaga niya.

“Kevin kapag hindi bumaba lagnat mo, dadalin kita sa ospital.”

“Ayoko. Basta dito ka lang sa tabi ko.”

Niyakap ko siya ng mahigpit. Ang bilis ng takbo ng puso niya, ramdam ko yun. Kinakabahan parin ako. Nakapikit lang kasi siya. Naaawa ako. Hindi siya nakatulog kagabi at malamang ganon din sa mga nagdaang gabi para lang sa pagpaplano ng lakad nato. Late ako ng ilang oras kaninang umaga pero naghintay parin sya. Nabasa pa siya sa ulan dahil ayaw niya na ako ang mabasa. Nahihiya ako.

“Kevin.”

“Hmmm...”

“Salamat ha?”

Hinawakan niya ulit ang kamay ko. Hindi man siya sumagot, alam kong naintindihan niya ako.

Nakapikit siya. Unti-unti ko nilapit ang mukha ko sa mukha nya. Gusto ko siya halikan pero natatakot ako. Tinitigan ko ang maganda nyang mukha, ang mahabang niyang mga pilik mata, ang mapupulang niyang labi, ang makinis niyang pisngi, ang matangos na ilong, lahat maganda... Pinakiramdaman kong mabuti ang sarili ko. Pinakinggan kong mabuti ang puso ko. Nakipagusap akong mabuti sa isip ko.

Hinalikan ko siya sa nuo.

“Kevin salamat. Mahal kita... pero bilang kaibigan lang talaga.” sabi ko.

Bumitaw sa pagkakahawak sa kamay ko. Lumayo siya. Lumapit ako sa kanya.

“Sorry.” bulong ko.

Hindi na siya nagsalita. Niyakap ko nalang ulit siya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento