Martes, Mayo 15, 2012

Most Valuable Player:Chapter26


CHAPTER 26

Nagulat ako dahil hindi ko inaasahan na makikita ko siya sa ganong paraan. Nakatingin lang din siya sa akin. Himala hindi siya naka killer smile, hindi sya nagpapacute, hindi sya nangungulit.

“O para kayong nakakita ng multo.” pinitik ni yaya ang kanyang baso gamit ang isang tinidor.

“Oy.” yun lang ang tanging nasabi ko sa kanya. Tinapik ko siya sa kanang balikat.

“Oy.” yun lang din ang kanyang nasabi. Ngumiti naman siya pero halatang pilit.

“Musta?”

“Okey naman.”

“Ikaw kumusta ka?”

“Ah.. eh... eto okey din.”

Nakanganga si yaya habang nagmamasid lang sa aming dalawa.

“Ako nagluto niyan.” sabay turo sa ulam na nakahain sa aming harapan.

“Ah. Kaya pala mukang hindi masarap. Tssk.”

“Aha. Nagsisinungaling ka. Sabi mo sakin dati, my adobo is the best in the world!”

Tumawa nalang ako. Tinignan ko si yaya, mukang gulong-gulo sa mga pangyayari.

“Natanggap ko text mo kanina, pauwi na ako nun kaya dumaan na ako sa mall para mamalengke ng pang adobo. Kinasabwat ko si tita.” paliwanag niya.

“Bakit naka off cellphone mo?” tanong ko.

“Para naman mamiss mo ako kahit konti.”

Tumawa ulit kaming dalawa.

Lilinga-linga ang mata ni yaya. Halatang nagtataka.

Pasimple akong sinipa ni Kevin sa paa. Tinitigan niya ako at dinala ang aking tingin kay yaya. Agad ko naman nakuha ang gusto niyang sabihin, OP na si yaya sa amin kaya tinigil na namin ang kulitan.

“Yah, yung binigay ko sayong Jollibee kanina, hati kayo ni Kevin ha?”

Kagago ko. Binigay ko na sa kanya tapos bigla kong babawiin. Pero okey nayun, hati naman sila tsaka hindi naman niya yun kayang ubusin. Hahaha.

Buti nalang tumango naman si yaya at hindi nagalit. Akala ko magtatampo siya pero mukang naiintidihan naman niya, naiintindihan niya na para talaga kay Kevin yun.

“Kain na tayo?” aya ni Kevin.

Nanlaki ang mata ni yaya ng kuhanin ni Kevin ang aking plato para lagyan yun ng pagkain. Sinipa ko si Kevin sa paa para itigil niya ang ginagawa niya.

“Aray Mark. Bakit mo naman ako sinisipa?” sabi niya.

Buset na Huget 'to, ibuko ba ako. Ngumiti siya, nakakagago.

“Tita, si Mark po sinisipa ako sa ilalim ng lamesa. May gusto atang ipahiwatig, hindi ko lang alam kung ano.”

Lokong Kevin, mas lalo pang pinagulo ang iniisip ni yaya. Palagay ko may world war three na sa utak ni yaya ngayon.

Ang sarap ng kain naming tatlo. Ang tagal namin nagkwentuhan. Gaya ng pagkain, masarap din ang aming naging usapan este dalawa lang pala kaming nagkulitan, hindi kasi maka relate si yaya sa amin.

“Mark dito ako matutulog ha?” paalam niya habang kumakain ng burger.

Nakatayo na kami pareho papuntang sala. Tapos na kasi kami kumain at si yaya naman ay naghuhugas na ng mga pinggan.

“May pasok na tayo bukas loko, baka mapuyat na naman tayo niyan.” sabi ko.

“Okey lang yun, minsan-minsan lang naman.”

“Anong minsan-minsan ka jan, lagi-lagi kaya.”

Wala naman ako magagawa eh. Umuwi muna siya sa bahay nila para magbihis at para kumuha ng mga gamit. Sa bahay na daw siya gagayak bukas para sabay na kaming pumasok. Alas otso ang klase ko, alas diyes naman siya.

Saglit lang sya nawala at ilang minuto lang ay nasa bahay na ulit ang loko.


***

Inaayos ko na ang bihisan namin para bukas, kung sakali na mapuyat man kami ngayong gabi, hindi na kami mahihirapan sa paggayak. Siya naman ay nakaupo lang, tahimik na nanunuod ng basketball sa tv. Interview ata kay Kobe Bryant yun kaya tutok na tutok sa harap ng telebisyon.


“Mark...”

“Oh.”

“Baka may assignment ka bukas, tulungan na kitang gawin.”

Oo nga pala, may assignment ako sa laboratory bukas. Dibale na, kokopya nalang ako siguro.

Bigla akong natigilan, parang ilang segundong huminto ang lahat ng sistema ng katawan ko, biglang kumabog ang aking dibdib. Bigla kong naalala si Maggie, bigla kong naalala ang mga nangyari sa amin, bigla kong naalala ang mga katangahan ko nung isang araw. Natakot ako, natatakot ako ng hindi ko alam.

“Mark, bakit tinapon mo lang yung brownies?” seryoso niyang tanong. Tinalikuran niya ang kanyang pinanunuod at humarap sa akin.

Nasa magkabila kaming side ng kama. Malapit siya sa trashcan katabi ng computer table. Nakalabas ang ilang bahagi ng box ng brownies kaya nakita niya agad. Hindi pa pala naitapon ni yaya ang mga basura ko.

Hinugot niya ang box. Nakita niya na hindi man lang yun nabawasan.

“Kanina ko pa gusto 'to itanong Mark. Ano ang nangyari sayo nung mga nakaraang araw?” tanong niya, seryoso.

Hindi ako makasagot sa kanya. Ni-hindi ko nga siya kayang tignan man lang sa mata. Kinakabahan parin ako, mas malakas pa yun sa mga naramdaman ko dati.

“Sorry Kevin.” nauutal ako sa sobrang kaba.

Tinitignan lang niya ako.

Akala ko maibabaon ko na sa limot ang lahat. Akala ko okey na ako. Akala ko...

“Wala na kami ni Mariel.”

“Alam ko.” mabilis na sabi niya. Nagulat ako.

“Pano mo nalaman?”

“Nung oras na alalang-alala siya sayo dahil hindi mo man lang sinasagot ang mga tawag niya, ako ang tinawagan niya, ako ang sinabihan niya, ako ang nilapitan niya para alalayan ka. Kung nagalala si Mariel sayo, syempre ako din kaya panay ang tawag ko sayo nuon. Maaga akong umuwi, nagpumilit akong makaalis agad kahit na hindi ako pinayagan ng pamilya na lumisan ng wala sa oras dahil sobra ang pagaalala ko sayo. Tinakbo ko ang Manila-Pampanga ng halos dalawang oras lang para makita agad kita. Naghintay ako sayo dito sa bahay niyo magdamag pero walang Mark Lopez na dumating. Alam ko masakit para sayo ang mga nangyari pero masakit din sa akin yun dahil ayaw kitang nasasaktan. Di bale ako nalang, wag ka lang.”

“Sorry Kevin,” huminga ako ng malalim. “nakipagkita ako kay Maggie... Magkasama kami buong gabi. Hinanap ko sa kanya ang isang Mariel, ang isang Kevin. Magkasama kaming natulog sa isang kama...”

“Ha?” seryosong tanong niya.

Kaibigan ko siya. Dapat sabihin ko sa kanya.

“Oo Kevin, sa isang maikling gabi, naging marupok ako... May nangyari... pinagsisisihan ko yun."

Lumapit siya sa kinatatayuan ko. Ang bigat ng bawat hakbang niya. Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, ngayon lang ako natakot ng ganon.

Alam ko ang gagawin niya kaya hinarap ko yun ng buong tapang. Sinapak niya ako sa kanang mukha. Napaatras ako sa lakas. May malakas na tunog akong naririnig sa aking tenga, nakakabingi, paulit-ulit.

“Para yan kay Mariel!”

Tumayo ako at buong tapang ko siyang hinarap, tinignan sa mukha. Naramdaman kong may tumutulo sa aking ilong, dugo. Pinunasan ko yun gamit ang aking braso pero patuloy parin yun sa pag-agos. Kung kanina ay wala akong maramdaman dahil sa manhid, ngayon nararamdaman ko na ang sakit na dulot ng kanyang malakas na kamao.

Lumapit muli siya sa akin. Umamba muli ng suntok.

“At eto, para sa akin!”

Napapikit ako ng malapit na ang kanyang kamao sa kaliwa kong mukha.

Ang lakas! Sobrang lakas na tunog ang aking narinig. Wala akong naramdaman na panibagong suntok pero natatakot parin ako ibukas ang aking mga mata.

“Mark, ano tingin mo sakin ha?” umiiyak na siya. Nararamdaman ko ang mabigat niyang paghinga.

Ibinukas ko ang aking mga mata, nakasuntok parin siya pero tumama yun sa kabinet sa tabi ko. Dumaan ang kanyang kamao sa gilid ng aking mukha, imbes na ako ang sapakin niya sa ikalawang pagkakataon, kabinet nalang ang binagbuhusan niya ng sobrang galit.

“Kevin.”

Inalis niya ang kanyang kamao sa nananahimik na nasira at nawasak na kabinet. May sugat siya. Mabilis niyang itinago yun sa aking mga mata. Umalis siya, lumabas ng kwarto ng wala ng sali-salita.

Umupo ako sa isang gilid, pinunasan ang dugo na patuloy parin lumalabas sa aking ilong. Alam kong namamaga ang aking kanang mukha, ramdam ko ang sakit, ang kirot

Hindi ko na namalayan na umiiyak na pala ako hindi sa sakit ng katawan kundi sa sakit na nararamdaman ng aking puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento