Martes, Mayo 15, 2012

Most Valuable Player:Chapter14


CHAPTER 14

Siya nga. Si Kevin Huget nga. Nag-iba ang itsura niya. Semi-kalbo na si loko. Mas lalong naging malinis ang mukha nya. Lutang na lutang siya sa maraming tao. Napako ang tingin ko sa kanya.

“Mark ano ba ginagawa mo jan? Anong petsa na!” tawag ni coach. Galit na ata pero hindi parin naalis ang mga mata ko kay Huget.

Sumenyas si Kevin. Parang sinasabi niya na pumasok na ako sa loob ng court at wag siya alalahanin. Wala akong nasabi kaya isang ngiti nalang ang binalik ko sa kanya. Tumalikod ako. Nagsimula na akong maglakad papuntsa sa loob ng court, nakangiti. Parang nabunot ang tinik na singlaki ng balyena sa aking dibdib.

Mainit na ang laban sa simula palang ng laro pero nanatili ako kalmado sa lahat ng pagkakataon. Lumalayo ako sa mga bagay na magpapainit ng ulo ko sa laro. Focused ako sa game dahil alam kong nanunuod siya. Gusto kong magpakitang gilas pero wala epekto ang stratehiya na ginagamit namin. Madali nila kaming naiiwanan. Sobrang lakas nila at hindi man lang kami makalapit sa score. Sila ang nakalaban nila Kevin sa quarter finals. Sila ang tumalo sa dati kong team. Igaganti ko sila. Tatalunin namin 'to para sa dati kong team, para kay Kevin.

Natapos ang first quarter ng hindi man lang kami nakadikit sa kalaban. Bente puntos laban sa anim na puntos namin. Unang bugso. Kumain na agad kami nng alikabok. Sa anim na puntos ng team apat dun sa akin. Hindi pwedeng walang kahinaan ang team nato sabi ko sa sarili ko. Kanina pa palaisipan sakin kung paano tatalunin ang kalaban. Sa totoo lang no match talaga ang first five namin kung ikukumpara sa first five nila kaya hindi mailabas ni coach ang kahit isa man lang sa amin. Babad kami kaya pagod ang isa pa naming kalaban. Putek. Mark, ano na?

Fifteen minutes break bago magsimula ang second quarter. Nakaupo kami pabilog habang si coach ay nasa gitna dala-dala ang maliit ng white board. Nagulat ako ng biglang lumapit ang nakakulay pulang si Kevin. Takaw eksena siya kaya pati mga tao sa paligid ay sinusundan siya ng tingin. Para siyang celebrity na kahit anong gawin ay pagtitinginan at paguusapan. Agad naman siya nakilala ng mga kasama ko sa team habang papalapit. Binati siya nila pero patay malisaya lang si loko.

Habang si coach ay abala sa pagsasalita, “Coach pwede bang hiramin si Mark saglit?” tanong ni Kevin. Nagulat ang lahat. Kahit ako nabigla.

Napalingon si coach. Natigilan sa pagsasalita. “Ha?” tanong niya.

“Saglit lang, isosoli ko din.” sagot ni Kevin.

Halata sa mukha ni coach ang pagtataka. Napatingin sakin si coach. Tumango ako sa kanya.

“Sige ibalik mo din agad. Naghahabol kami.” sabi ni coach.

Tumayo ako. Tumalikod naman si Kevin at naunang lumabas sa court. Agad naman akong sumunod. Walang kibuan habang naglalakad palayo. Nang medyo malayo na kami sa ingay ng laban, naramdaman kong unti unti syang bumagal sa paglalakad. Hindi ko na hinayaan na makalapit sa kanya, tumigil ako. Nagsimula na akong kabahan. Hindi ako sanay sa mga kinikilos ni Kevin. Humarap siya sakin, tinitigan ako ng seryoso. Napalunok ako. Mas lalo pa akong kinabahan. Nagsimulang manlamig ang buo kong katawan. Wala ako marinig kundi ang pagkabog ng dibdib ko.

“Mark galingan mo.” sabi niya.

Matagal bago ako nagsalita dahil hindi ko alam ang tamang isasagot sa kanya.

“Salamat Kevin.”

“May kasalanan ka sakin.” ang tingin niya, ang lakas ng dating.

“Sorry.” sabi ko.

“Ilibre mo ako sa Jolibee mamaya. May mahalaga akong sasabihin ako sayo.”

Patay don!

Ngumiti siya. Napakunot nuo nalang ako sa kanya. Bigla siyang tumawa ng malakas. Takte Kevin hindi ka parin nagbabago sa loob-loob ko. Lumapit siya sa akin, niyakap ako ng mabilis. Ginulo nya buhok ko, biglang ulit tumawa. Akala ko talaga kanina sasapakin niya ako. Tanawa narin ako.

“Seryoso. Nagtatampo talaga ako sayo pero kalimutan mo muna yun. Ang mahalaga ngayon manalo kayo.”

“Salamat.” maikli kong tugon.

Isang mahabang pito ang narinig ko. Sinundan yun ng isang mahabang buzzer hudyat na magsisimula na ang game.

“Kevin balik na ako sa court.” paalam ko.

“Tandaan mo, wag ka lumaban sa laro na gusto nila. Ikaw ang magdikta ng laro na gusto mo.” sabi niya. Ngumiti siya.

Tumango ako, pagkatapos ay tumalikod. Dali-dali akong tumakbo papuntang court. Hindi ko na siya nagawang hintayin. Madali naman ako nakabalik bago pa man opisyal na magsimula ang laban. Iniisip ko ang huling mga kataga na binitiwan niya kanina. Malalim ang linyang yun pero parang nakukuha ko naman.Tama siya. Hindi ko dapat ibigay ang laro na gusto ng kalaban dahil duon sila malakas. Dapat sila ang sumunod sa laro na gusto namin. Kung saan kami malakas, yun ang dapat naming gamitin.

Sa simula ay palitan lang sa puntos ang labanan. Nagsasagutan lang ang dalawang team sa score. Akala ko madali lang gawin ang sinabi ni Kevin pero mahirap pala. Hanggang sa unti-unti ko nang napapansin na kami na ang nagdidikta ng laban. Sunod-sunod akong naka puntos mula sa paborito kong jump shot. Nakuha namin agawain ang kalamangan sa kalaban sa pamamagitan ng mabilis na laban. Nagbigay ako ng suhestiyon kay coach nung nag time-out na subukan gamitin ang lahat ng pinakamabibilis sa team. Malakas sa opensa ang kalaban pero walang silbi yun kung madali naman sila maiiwan sa bilis ng laro. Yun pala ang sinasabi ni Kevin. Ang galing nya.

Pag pasok ng fourth quarter, lumaki na ang kalamangan namin. Napansin ko na medyo dumudumi na ang laro ng kalaban dahil narin siguro sa desperation. Ang dami nilang hard fouls kaya nagpasya na akong lumabas. Hinanap ko agad si Kevin para puntahan.


***

Wala siyang dalang sasakyan. Naka angkas siya sakin sa motor. Pauwi kami ng bahay. Mabagal lang ang takbo. Madulas kasi ang daan. Kayayari lang umambon ilang minuto palang ang nakakaraan.

“Kevin, may konting inuman daw sa bahay nila coach. Tara?” aya ko.

“Ayoko.”

“Bakit?”

“Para sa inyo yun. Hindi naman ako kasali dun.”

“Ako bahala sayo.”

“Ayan na naman yan. Sinabi mo na yan dati eh pero anong nangyari, iniwan mo rin ako sa ere.”

“Sige. Hindi nalang ako pupunta.”

“Pumunta kana. Okey lang ako. Hintayin nalang kita.”

“Hindi na.”

“Sus.”

“Pumunta kana.”

“Basta bahala. Mamaya nalang natin pag-usapan sa bahay.”

“Namiss ko 'to.” bulong niya.

“Ano?” kunwari hindi ko narinig.

“Namiss ko 'to kako.”

“Ano?”

“Ewan ko sayo.”

“Ewan mo?”

“Eto sayo.”

Nagulat ako ng bigla siyang yumakap sakin. Hindi niya kasi yun ginagawa dati kapag nakaangkas siya. Naramdaman kong unti-unti humihigpit ang pagyakap niya.

“Bakit kabilis ng kabog ng dibdib mo?” tanong niya.

“Ha?”

“Puro ka 'ha at ano.”

“Kevin, bitawan moko. Nakikiliti ako. **** baka maaksidente tayo.”

“Ano?” tanong niya.

“Ha?” tanong ko naman sa kanya.

“Nahulog tambutcho ng motor mo.” mahina nyang sabi.

“Saan?”

Agad akong nagmenor. Tumabi agad ako sa gilid ng daan. Bumaba kami. Sinilip ko agad ang likuran ng motor. Nakakabit pa naman. Sunod kong sinipat ng mukha ni Kevin. Nakangisi.

“Joke lang.” sabi niya.

Pu-ta.


***

Tahimik lang siya habang kasama ang grupo, ang grupo ko. Halata ko na na OP si Huget. Nakaupo sa isang tabi. Namumula na siya. Naparami na ata ang inom niya. Lagi ko siya tinitignan. Hindi kasi siya makasali sa usapan. Bakit ko ba kasi siya dinala pa dito. Bakit ba kasi pinilit ko pa siyang isinama.

“Mark painumin mo naman yung kaibigan mo. Pupunta punta dito hindi naman pala iinom.” sabi ng isa kong kasama.

Napatingin ako kay Kevin. Seryoso lang siya.

“Oo nga. Baka hinahanap na ng nanay niya yan.” sagot naman ng isa pa.


Beep beep. Si Kevin.

Mark, kapag hindi ako nakapagtimpi sasapakin ko 'tong katabi ko. Kanina pa nanggagago.

Wag. Easy lang. Tara na?

Bahala ka.

Sige.

Tumayo na ako. Ako ang nagpaalam sa grupo. Aalis na kako kaming dalawa ni Kevin sabi ko.

“KJ ka naman pare. Hinahanap ka naba ng lola mo?” sabi ng isa. Nagtawan sila.

Biglang tumayo si Kevin. Hinablot ang damit ng nagsalit. Nakaamba si Kevin ng suntok kaya agad akong pumagitna. Buti nalang agad namin naawat. Buti nalang naintindihan naman ng lahat. Buti nalang hindi na nagkagulo.

Hinila ko na si Kevin papalayo. Madali ko naman siya nailabas.

“Bakit?”

“Iuuwi na kita!”

“Hindi ako pwedeng umuwi.”

“Bakit?”

“Hindi nila alam na nandito ako.”

“Ha? Ano?”

“Basta sa bahay niyo muna ako.”

“Sige sumakay kana. Kumapit ka ng mabuti baka mahulog ka.”

Hindi na siya sumagot dahil iniisip niya siguro na galit ako. Naramdaman ko nalang na biglang bumigat ang aking likod. Halos lahat ng bigat ng katawan nya ay nakasandal na sa akin. Maya-maya pa'y naramdaman kong unti-unti bumagsak ang kanyang mukha sa aking kanang balikat. Knock-out.

“Hoy wag ka matulog.” sabi ko.

“Nahihilo lang ako pero hindi ako tulog.”

“Kaya mo?”

“Oo”

Matagal ang naging biyahe namin dahil sa bagal ng takbo. Mga thirty minutes din yun pero kung normal na biyahe ko siguro nasa ten minutes lang. Malalim na ang gabi ng dumating kami sa bahay.


***


Nakaupo ako sa harap ng computer, nagne-net. Nakaupo siya sa dulo ng kama, medyo malayo sa kinauupuan ko. Katatapos lang niya maligo.

“Bakit mo ginawa yun?” mahinang tanong ko sa kanya.

“Yung ano?” sagot nya.

Alam ko na alam niya ang tinutukoy ko. Hindi ako sumagot. Ilang sandali pa, nagsalita na ulit siya.

“Sorry Mark. ginawa ko yun dahil ayoko na may gumagago sayo. Lagi kitang binabantayan kasi ayoko na masasaktan ka. Ayoko na nawawala ka sa paningin ko. Hindi ko alam kung ano iniisip mo. Hindi ko rin alam kung ano ang ginagawa ko. Basta masaya ako kapag kasama kita. Hindi ko alam kung ano ang tawag dito. Sabihin mo kung ano dapat kong gawin kasi ako hindi ko alam.”

Hindi ko alam ang magiging sagot ko sa sinabi niya. Tumayo nalang ako. Naglakad papunta sa kanya. Nakatingin lang siya sakin habang papalapit ako sa kanya. Hindi ko mabasa ang gusto niyang sabihin. Umupo lang ako sa tabi niya. Pabilis ng pabilis ang kabog ng dibdib ko. Hindi parin ako makakibo. Matagal na walang imikan. Siya ulit ang nagsalita.

“Galit ka ba?” tanong niya.

Hindi ulit ako nakasagot.

“May nagbago ba sa pagtingin mo sakin?”

Umiling ako. “Hindi ko alam.” sabi ko.

“Umuwi ako dito para sayo. Magta-transfer ako sa school mo.”

“Wag.”

“Bakit?”

“Graduating kana. Kapag nag tranfer ka, maraming subjects mo ang baka hindi ma-credit sa school namin. Baka magkaproblema ka.” sagot ko. Hindi parin ako makatingin sa kanya.

“Nakapagdesisyon nako.”

“Alam naba sa inyo 'to?”

“Hindi pa. Kakausapin ko sila.”

“Paano kung hindi sila pumayag?”

“Hindi ko alam.”

Humarap ako sa kanya. Nagkatitigan kaming dalawa. Namumula parin siya. Hindi dahil sa alak kundi dahil siguro sa hiya. Malikot ang mga mata niya.

“Bakit mo ba 'to ginagawa? Baka hindi ko masuklian.” sabi ko.

“Ewan. Okey lang.”

Hindi ko na napigil ang sarili ko. Niyakap ko sya ng mahigpit. Nabigla sya sa ginawa ko. Hindi ko yun sukat akalain na magagawa ko. Lalaki ang nasa harap ko. Natatakot ako sa mundong pinapasok ko.

“Mark.”

“Oh.”

“Mark.”

“Ano?”

“Maligo ka muna. Ang baho muna. Mamaya mo na ituloy yan.” seryosong sabi niya pagkatapos ay bigla siyang tumawa.

Patay don!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento